
Kasaysayan sa tinig ng La Solidaridapat
Para sa mga miyembro ng La Solidaridapat, ano nga ba ang kasaysayan at ano ang halaga nito?
Anna Biala
“Ang kasaysayan ay gabay para maunawaan at malaman ng lahat ang tungkol sa mga tao at pangyayaring humubog sa kanilang identidad, lipunan at mundong ginagalawan sa kasalukuyan na nakatutulong sa pagdedesisyon at pagharap ng tao sa mga isyu.”
Leila Micahella Cruz
“Ang kasaysayan ang magmumulat sa atin sa mga isyu ng lipuanan ngayon. Dahil ito ang tanging magpapaalala sa ating pinanggalingan. Kapag ating ito ay nalimutan, wala tayong patutunguhan kundi ang pakikiayon sa mga impluwensya ng kasalukuyan. Sa kasaysayan mauungkat ang ating pagkilanlan bilang mga Pilipino, na simula palang sa una ay hindi na tayo mga mangmang, tayo ay may sariling kultura, estilo ng hanap buhay, paraan ng pamumuno, at paniniwala. Ang kasaysayan din ang magbabalik satin sa katotohanan na tayo ay magkakapatid, sa iisang Inang Bayan.”
Victoria Fargas
“Ang kasaysayan ay ang ating nakaraan. Inilalaman nito ang mga mali at tamang desisyon na ating nagawa. Sa pag-aaral ng ating nakaraan ay napag-iisipan natin kung paano bubuuin ang ating kinabukasan. Isang halimbawa ay ang pag-aaral natin sa panahon noong nasakop tayo ng mga Espanyol, Amerikano, at Hapon. Natututunan natin sa mga nakaraang pangyayari na ito na importante ang pagkakaisa ng bayan laban sa gobyerno o sa ibang bansa upang manalo tayo.”
Christian Magbag
“Sa isang salita ating mailalagom ang nakaraan; ang pinagdaanan ng ating lahing pinagmulan, magmula sa sinaunang pamayanan at sa pagdating ng pwersang dayuhan at kanilang pananalakay, hanggang sa kwento ng ating pakikipagtunggali para sa tinatamong kalayaan at kasarinlan. Sa paglapat ng nakalipas ay hindi mawawala ang kanyang kakanyahan; sapagkat nakapinta sa mga kulay na dilaw, bughaw at pula ang saysay ng nakaraan ng bayang sinilangan.”
Tamara Natividad
“Ang kasaysayan ang istorya ng ating mga ninuno – ang mga istoryang kailangan himayin at gamitin natin ngayon bilang gabay sa mapayapang pamumuhay ngayon. Sa pag-aral ng kasaysayan matutuklasan ang mga tagumpay at mga pagkakamali ng ating mga ninuno, mga tagumpay at pagkakamali na ating isasalaysay sa ating sariling buhay. Ang kasaysayan ay simpleng pag-dokumenta ng nakaraan kung hindi natin ito isasabuhay.”
Bren Relevo
“Ang kasaysayan ang magpapakilala sa ating sariling identidad. Sa pag-aaral ng kasaysayan matatagpuan ang mga mahahalagang pangyayari na nagbigay ng malaking pagbabago na nagbigay daan sa kasalukuyan.”
Stewart Sayson
“Ang kasaysayan ay ang mga tala ukol sa mga pangyayari ng nakaraan. Dito natin nalalaman ang mga pagkakamali ng mga tao at ang mga kinahinatnan ng kanilang mga ginawa upang hindi na uulit kinabukasan. Natutuklasan din natin ang mga pangyayari na naging pundasyon ng kasalukuyang panahon at sa gayon ay may matuto tayo kung papaano mapabuti ang pundasyon para sa kinabukasan.”
Darynne Solidum
“Ang kasaysayan para sa akin ay ang pangunahing pinagmumulan ng lahat ng kaalaman at karunungan natin sa kasalukuyan. Ito ay mahalaga dahil ito ang humubog sa kung ano tayo ngayon at ito rin ang huhubog sa atin para sa kinabukasan.”
Marie Uy
“Ano nga ba ang saysay ng kasaysayan?
Para sagutin iyan, ating balikan ang kawikaan na “Ang hindi marunong lumingon sa pinanggalingan ay hindi makararating sa paroroonan.” Iyan ay patotoo kung bakit mahalaga na hindi kalimutan ang kasaysayan, dahil ang mga aral na tinuturo nito, maliban sa mga petsa, lugar, tao, at pangyayari ay maaaring magsilbing gabay sa atin ngayon at sa mga susunod pang henerasyon. Maaaring iba man ang petsa, ang lugar, ang mga tao, at ang pangyayari ngunit ang aral na hatid ng kasaysayan ay may saysay bagkus ay para hindi maulit ang mga pagkakamali at problemang naidulot ng sangkatauhan sa mundo at sa kanilang kapwa noong unang panahon.
​
Maliban riyan ay nagbibigay pananaw at kasagutan ang kasaysayan sa kung bakit ganito ang mundo ngayon. Dagdag pa, ang kasaysayan rin ang nagbubukas sa atin sa mga posibilidad na maaaring mangyari sa mundo dahil na rin sa mga karanasan at piniling landas ng mga tao at pangyayaring naitala sa kasaysayan.”