
Mga Lumad at si Rizal
Panahon ng Liwanag. Pakikipag-isa sa Lupa at Kalikasan: Kuwento ng Kanilang Pinagmulan
Bago dumating ang mga dayuhang kolonisador, mapayapa nang naninirahan sa kanilang lupang katutubo ang mga tribong B’laan, Manobo, at Tangailod. Ang kanilang pagtanaw sa sariling pagkakilanlan ay hindi nagbago. Mayroon silang sistematiko at maunlad na pamumuhay noon pa man; sa kanilang paraan ng pamamahala, sa kalakal, pati na sa sining at musika. Ang kasaysayan para sa mga mga lumad ay nakaugnay sa kanilang kapaligiran, na maisasalamin sa kanilang pagsamba at mga ritwal. Mauungkat natin na mula pa noon ay mayroon na rin silang sariling paniniwala at kaisipan, na totoong bukal sa kanilang kultura.
Pagsapit ng Dilim. Pagkatiwalag sa Lupa: Kuwento ng Pagkawala ng Kanilang Lupain (Blaan, Manobo ng Talaingod)
Nagkaroon sila ng problema sa pagdating ng mga Espanyol. Sapagkat sila’y nagkawatak watak. Ang kanilang pagkakilanlan ay nalagay sa alanganin, dahil sa dalang kultura, paraan ng pamamahala (nabanggit ang pagsukat at paraan sa arkitektura na ginamit ng mga Espanyol upang kontrolin ang mga Pilipino), estilo ng paghahanap buhay at mga paniniwala at paraan ng pagsamba ng mga kolonisador. May mga Manobo na nabighani sa ipinain ng mga Espanyol, kaya sila ay nainpluwensyahan nito. Nagkaroon sila ng malaking problema sa kanilang mga pananaw (identity crisis).
Tama nga si Rizal noong sinabi niyang importante ang kasaysayan sa ating identity. Dahil ang ating kasaysayan ang pinilit baguhin ng mga Espanyol. Kahit na alam natin na tayo’y may sarili ng sibilisasyon mula noon pa, at may kakayahan ng umunlad sa sailing talino, ito’y kanilang pinilit baguhin, tinirungan pang indio, at mga walang alam na tila hayop.
Mabuti nalang ay may mga Manobo na hindi umayon at hindi nagpasakop sa kolonisador, sila ay lumikas sa mga kabukiran at kabundukan. Kaya nga sila daw ay naturingang lumad, dahil ang ibig sabihin ng lumad ay “duwag”. Ngunit ang pagkakilanlan nila bilang mga lumad ay naitala sa kanilang kasaysayan, at ito’y kanilang pinahalagahan, sapagkat ang mga lumad ang nagpanatili noon kung ano ang meron tayo ngayon. Sila nga ang matatapang na lumaban para sa ating kulturang Pilipino.
Ang ilan sa mga pinakaproblema nila mula noong dumating ang mga Amerikano, ayon kay Cugan, ay ang pagkamkam ng gobyerno at ibang bansa sa kanilang mga lupain. Ang Mindanao ay mayaman sa mineral at iba pang likas na yaman. Ito ang dahilan ng patuloy na pagsasamantala sa Pambansang Minoriya. Ang kanilang mga lupiain ay kinukuha at binubungkal ng mga multinasyunal na kumpanya upang magmina ng ginto at iba pang mineral.
Ang kasalukuyan nilang hinaharap na problema ay–tulad noon–politikal, at pag aangkin sa kanilang tinubuang lupa, na madalas ay nadadaan sa pagsira ng kanilang kalikasan (na tunay ngang binibigyan nila ng halaga), at pagpatay sa ilan sa kanila. Ang pinagkaiba lang ay hindi ito gawa ng mga kolonisador lamang, ngunit pati ng mga kapwa Pilipinong ganid sa yaman. Sila daw ay pinagbibintangang mga terorista at pinapatay na lamang ng basta basta. Ang kanilang lupa daw ay inaangkin at ginagawang minahan. Sabi ni kuya Arnel (isa sa aking nakapanayam), “sana kaming lahat ay aral, ngunit wala kaming kakayahang makapag-aral, lalo na at may kakulangan ang marami sa amin sa pananalapi. Sana ang mga taong may mataas na pinagaralan na gaya niyo (kaming mga nagpapanayam ang tinutikoy), ay wag makalimot sa inyong pinanggalingan. Kami’y kanilang sinasamantala dahil sa kakulangan namin sa edukasyon, pinapatay na lamang nila kami na parang mga hayop. Sana ay tratuhin din nila kaming mga tao, lalo na at tayong lahat din naman ay Pilipino, at magkakapatid. Kaya kami nandito sa Maynila upang hindi lang manawagan sa mga nasa itaas, ngunit upang ipabatid din ito sa inyong mga aral.”
Takipsilim: Mga Pakikibaka’t Punyagi para sa Sariling Pagpapasya
Napakahalaga ng kasaysayan sa paglalarawan, pagpapaliwanag, at paghuhusga ng kasalukuyan at sa paglalantad ng hinaharap, ayon nga kay Rizal, lalo na sa paghubog ng indibidwal, grupo, at bansa. Nabatid nga niya na, “ang hindi marunong lumingon sa pinanggalingan ay hindi makararating sa paroroonan.”
Ganito din ang halaga ng kasaysayan sa mga Manobo, kaya nga hindi lang nila ito pinasapasa sa mga kwento, ngunit isinulat pa nila. Dahil para sa kanila, maaari nila itong makalimutan kung ito’y ipapasa lang nila sa mga kwento, at ito’y mas mananatiling totoo sa kanilang isipan kung ito’y kanilang isusulat.
Gaya ni Rizal, ninanais din nilang maipaalam at maipahayag sa kanilang mga kapwa Pilipino, sa ating lahat ang kanilang tunay na sitwasyon, at nanawagan silang alalahanin natin ang ating kasaysayan, ang kanilang mga ginawa sa ating bayan, na dahilan kung bakit tayo andito ngayon. Nanawagan din sila ng pagkakapatiran, na simula’t sapul iisa lang ang ating inang bayan. Nananawagan sila sa kamulatan ng bawat mamamayan.
At ito ngang lahat ay nakatala sa sulating ito (na balang araw ay magiging parte ng ating kasaysayan). Tayong mga tinuturi nilang aral at edukado, naniniwala silang may kakayahan tayong baguhin ang bayan (para sa ikasasama nito o ikabubuti), na inaabot nila sa atin ang kanilang mga sigaw at hinaing. Dumayo pa sila mula Mindanao. Ang katanungan lang ay, tayo ba ay kikilos? Tayo ba ay handa, tulak ng pagmamahal natin sa bayan na balang araw (o ngayon pa lamang) na tulungan sila? O tulad ng batid ni Jose Rizal, ay hindi handa, nagpupuyos sa galit, at maaring balang araw ay maging higit pang ganid, at malupit kesa sa mga nangaapi sa kasalukuyan?
Noong Oktubre 2016, nagprotesta ang mga katutubo at kanilang mga tagsuporta sa harap ng Embahada ng Estados Unidos sa Maynila upang ipanawagan ang pagtigil ng militarisasyon at pag-alis ng mga Amerikanong sundalo sa kanilang mga lupain. Ang protesta ay nauwi sa madugong “dispersal”. Paulit-ulit na sinagasa ng Philippine National Police ang mga rallyista. Umani ng simpatiya para sa mga katutubo ang pangyayaring ito, ngunit isa lamang ang mga pangyayaring ito sa maraming diskriminasyon at paglabag sa karapatang pantao na ginawa at paulit-ulit na ginagawa sa kanila simula noong dumating ang mga kolonisador sa bansa.
Para sa mga Blaan, dapat nang putulin ang di patas na relasyon ng bansa sa US dahil “walang mutual benefits sa mga treaties sa kanila.” Dahil dito, patuloy na isusulong ng mga B’laan ang Alternative Schools for the Lumad. Ang adhikain ng Pambansang Minorya ay magkaroon ng sariling pagpapasya at isulong namin ang usaping pangkapayapaan dahil karamihan sa mga “conflict” na nangyayari sa bansa ay nangyayari sa kanilang mga teritoryo.
Tulad ni Rizal, pagod na ang mga B’laan sa pagsasamantala ng mga dayuhan sa kanilang mga yaman at karapatan. Tulad ni Rizal, nais ng mga B’laan na gamitin ang edukasyon upang imulat ang kanilang komunidad sa mga problemang kanilang kinakaharap at upang magtulungan sa pag-iisip ng maaaring maging solusyon at aksyon para harapin ang mga ito. Tulad ni Rizal, ang mga B’laan ay lumalaaban at patuloy na lalaban para sa kanilang sariling pagpapasiya at kalayaan.
![]() img_1935 | ![]() img_1934 |
---|---|
![]() Jose_Rizal_3 | ![]() _MG_1702 |
![]() cugan | ![]() education Rizal |
![]() _MG_1687 | ![]() _MG_1686 |
![]() _MG_1697 | ![]() rizal |
![]() 15311467_1604336409580380_879956380_o | ![]() atu segun |
![]() Rizal-Art-Writing |