
Kasaysayan ng mga Talaingod Manobo
Sa kabundukan ng Davao del Norte makikita ang mga Talaingod Manobo. Sila ay galing Talaingod, Davao del Norte. Nakasentro ang kanilang pamumuhay sa agrikultura at ngayon ay pag-uusapan natin ang kanilang kasaysayan, kultura, at kabuhayan.
Nakipanayam kami sa ilang miyembro ng mga Manobo galing sa Talaingod, Davao del Norte na sina Datu Tungig, Binito Bay-aw, at Datu Segundo. Nagsimula ang komunidad sa pagtira ng mga tao sa ibang bundok o ibang lugar at sila ay gumawa ng mga itak, kaldero, pana, at iba pa.
Ayon sa kanila, bago pa ang mga Espanyol, naninirahan na sa Pilipinas ang kanilang tribo. Manobo sila noon hanggang ngayon. Wala pa ang mga Espanyol ay mayroon na silang sistema ng pamamahala sa komunidad. Ang kasaysayan nila ay naipasa mula sa kanilang mga ninuno sa pamamagitan ng kabuhayan. Masusumpungan ito kahit sa mga karaniwan at pang-araw-araw nilang mga gawain gaya ng pagtatanim ng bigas, kamote, gabi, at iba pa. Ito ang kasaysayan nila lalo na ng kanilang mga ninuno kung saan ang mga tao ay namuhay sa kapaligiran at umaasa at sa proseso'y nagiging kaisa ng sa kalikasan.
"Lumad ng Mindanao” ang batayan ng kanilang kolektibong identidad. Sa partikular, sila'y Manobo. Ang ibig sabihin ng “Manobo” ay “people” o “person”. Ang salitang ito ay nanggaling sa “Mansubu” na pinagsamang man (tao) at suba (ilog). (“Manobo, Obo”, n.d.)
Iba-iba ang mga bumubuo sa mga Lumad. Sang-ayon kay Datu Segundo, iba-iba ang kanilang lenggwahe at kahit na mga Lumad sila, minsan ay mayroong hindi pagkakaunawaan pero noon, ang mga Lumad ay nagkakaisa at mapayapa. Alagang baboy ang kanilang preokupasyon noon ; gayundin ang pamamalengke nila sa may sapa. Walang iisang tao ang nagmamay-ari sa lupa at walang problema. Noong dumating ang mga Espanyol, doon na sila nagsimulang magkawatak-watak. Sila ang sumira sa kaayusan na noon ay mayroon sila. Ilan ay pumanig sa mga Espanyol habang ang iba ay lumaban. Ilan sa mga Manobo ay sumapi sa Simbahang Katoliko habang ang ilan ay nanatili sa kanilang kinalalagyan at sinaunang mga paniniwala sa Dakilang Lumikhang tinatawag nilang "Magbabaya". Lumago ang ekonomiya at kasabay ng paglago nito ang paghahari ng mga kolonisador at pag-aangkin ng mga lupa. Kinuha at sinukat ng mga Espanyol ang lupa at tuluyan na itong nawala sa kanila. Nagawa nila ito dahil sila na ang may kontrol sa batas. Ang mga hindi sang-ayon sa ginagawa ng mga Espanyol ay lumikas at pumunta sa kabukiran. Kung anong meron sila ngayon ay ipinasa na sa kanila ng kanilang mga ninuno.
Sang-ayon kay Datu Segundo, hindi nawawala ang problema. May mga panahong sila mismong mga katutubo ay nag-aaway-away. Pero noon, naisasaayos nila ang anumang tunggalian nang hindi pinakikialaman ng iba o taga-labas. Mga "manigaon" -- katumbas ng datu, ang nagsasaayos ng mga problema. Sa loob naman ng komunidad mismo ay pinapakinggan ng manigaon ang mga kaso at inaayos ito. Ibinibigay ang nararapat at kahit na walang kasulatan ay naaayos na ito. Ang importante ay nandiyan ang manigaon habang gumagawa ng desisyon.
Pagdating naman sa pagpapanatili ng kanilang kultura, isinusulat na nila ito dahil kung sa pagkukuwento o “word of mouth” lang ang pagpapasa nito, maaari itong mawala. Kapag nakasulat na ito, hindi na ito basta-basta lang mawawala at ito rin ay tinututukan nila at sinisiguradong itinutuloy nila. Sinusunod at pinoprotektahan nila ang kanilang kultura.
Ilan sa mga halimbawa ng kanilang mga tradisyon, kapag ikinakasal, wala itong kasulatan pero ang presensya ng manigaon bilang saksi ay mahalaga at kung mag-away man sila, sinusubukang idaan sa maayos na usapan. Kung hindi na kayang idaan sa usapan, maaari silang paghiwalayin ng manigaon. Sa pagpapanganak naman, hindi nila alam ang takdang araw na isisilang ang isang bata at hindi rin nila binibilang ang edad ng isang tao. Kapag may namamatay may dalawang ginagawa: kapag namatay dahil sa sakit, inililibing lang ito, at kung may namatay dahil binaril, ipinaghihiganti ito at kinikitil ang buhay ng gumawa ng masama upang matamo katarungan. Pinipili rin ng “katawan” o ang kasamang manigaon ang bagong datu. Kung sino ang magaling at karapat-dapat ang pinipili na maging pinuno.
Makulay ang kanilang kasaysayan at kultura at gusto nilang ipaalam na irespeto sana ang kanilang kultura.
"
Walang iisang tao ang nagmamay-ari sa lupa at walang problema.

Datu Tungig (kaliwa) at Bai Bibyaon (kanan)

Datu Segundo

Datu Tungig (kaliwa) at Bai Bibyaon (kanan)
Bago dumating ang mga kolonisador, mapayapa nang naninirahan sa Pilipinas ang tribong ito. Manobo na sila noon hanggang ngayon. Ang kanilang pagkakilanlan ay hindi nagbago. Mayroon silang simpleng pamumuhay noon pa man, mayroon silang sistema ng pamamahala, at hanapbuhay. Ang kasaysayan para sa mga Talaingod Manobo ay nakadepende sa kapaligiran (kalikasan). Kaya nga ang malaking bahagi nga ito ng kanilang pagsamba. Mauungkat natin na mula pa noon ay mayroon na rin silang sariling paniniwala.
Napakahalaga ng kasaysayan sa paglalarawan, pagpapaliwanag, at paghuhusga ng kasalukuyan at sa paglalantad ng hinaharap, ayon nga kay Rizal, lalo na sa paghubog ng indibidwal, grupo, at bansa. Nabatid nga niya na, “ang hindi marunong lumingon sa pinanggalingan ay hindi makararating sa paroroonan.”
Ganito din ang halaga ng kasaysayan sa mga Manobo, kaya nga hindi lang nila ito pinasapasa sa mga kwento, ngunit isinulat pa nila. Dahil para sa kanila, maaari nila itong makalimutan kung ito’y ipapasa lang nila sa mga kwento, at ito’y mas mananatiling totoo sa kanilang isipan kung ito’y kanilang isusulat.
Nagkaroon sila ng problema sa pagdating ng mga Espanyol. Sapagkat sila’y nagkawatak watak. Ang kanilang pagkakilanlan ay nalagay sa alanganin, dahil sa dalang kultura, paraan ng pamamahala (nabanggit ang pagsukat at paraan sa arkitektura na ginamit ng mga Espanyol upang kontrolin ang mga Pilipino), estilo ng paghahanap buhay at mga paniniwala at paraan ng pagsamba ng mga kolonisador. May mga Manobo na nabighani sa ipinain ng mga Espanyol, kaya sila ay nainpluwensyahan nito.
Nagkaroon sila ng malaking problema sa kanilang mga pananaw (identity crisis).
Tama nga si Rizal noong sinabi niyang importante ang kasaysayan sa ating identity. Dahil ang ating kasaysayan ang pinilit baguhin ng mga Espanyol. Kahit na alam natin na tayo’y may sarili ng sibilisasyon mula noon pa, at may kakayahan ng umunlad sa sailing talino, ito’y kanilang pinilit baguhin, tinirungan pang indio, at mga walang alam na tila hayop.
Mabuti nalang ay may mga Manobo na hindi umayon at hindi nagpasakop sa kolonisador, sila ay lumikas sa mga kabukiran at kabundukan. Kaya nga sila daw ay naturingang lumad, dahil ang ibig sabihin ng lumad ay “duwag”. Ngunit ang pagkakilanlan nila bilang mga lumad ay naitala sa kanilang kasaysayan, at ito’y kanilang pinahalagahan, sapagkat ang mga lumad ang nagpanatili noon kung ano ang meron tayo ngayon. Sila nga ang matatapang na lumaban para sa ating kulturang Pilipino.
Ang kasalukuyan nilang hinaharap na problema ay–tulad noon–politikal, at pag aangkin sa kanilang tinubuang lupa, na madalas ay nadadaan sa pagsira ng kanilang kalikasan (na tunay ngang binibigyan nila ng halaga), at pagpatay sa ilan sa kanila. Ang pinagkaiba lang ay hindi ito gawa ng mga kolonisador lamang, ngunit pati ng mga kapwa Pilipinong ganid sa yaman. Sila daw ay pinagbibintangang mga terorista at pinapatay na lamang ng basta basta. Ang kanilang lupa daw ay inaangkin at ginagawang minahan. Sabi ni kuya Arnel (isa sa aking nakapanayam), “sana kaming lahat ay aral, ngunit wala kaming kakayahang makapag-aral, lalo na at may kakulangan ang marami sa amin sa pananalapi. Sana ang mga taong may mataas na pinagaralan na gaya niyo (kaming mga nagpapanayam ang tinutikoy), ay wag makalimot sa inyong pinanggalingan. Kami’y kanilang sinasamantala dahil sa kakulangan namin sa edukasyon, pinapatay na lamang nila kami na parang mga hayop. Sana ay tratuhin din nila kaming mga tao, lalo na at tayong lahat din naman ay Pilipino, at magkakapatid. Kaya kami nandito sa Maynila upang hindi lang manawagan sa mga nasa itaas, ngunit upang ipabatid din ito sa inyong mga aral.”
Gaya ni Rizal, ninanais din nilang maipaalam at maipahayag sa kanilang mga kapwa Pilipino, sa ating lahat ang kanilang tunay na sitwasyon, at nanawagan silang alalahanin natin ang ating kasaysayan, ang kanilang mga ginawa sa ating bayan, na dahilan kung bakit tayo andito ngayon. Nanawagan din sila ng pagkakapatiran, na simula’t sapul iisa lang ang ating inang bayan. Nananawagan sila sa kamulatan ng bawat mamamayan.
At ito ngang lahat ay nakatala sa sulating ito (na balang araw ay magiging parte ng ating kasaysayan). Tayong mga tinuturi nilang aral at edukado, naniniwala silang may kakayahan tayong baguhin ang bayan (para sa ikasasama nito o ikabubuti), na inaabot nila sa atin ang kanilang mga sigaw at hinaing. Dumayo pa sila mula Mindanao. Ang katanungan lang ay, tayo ba ay kikilos? Tayo ba ay handa, tulak ng pagmamahal natin sa bayan na balang araw (o ngayon pa lamang) na tulungan sila? O tulad ng batid ni Jose Rizal, ay hindi handa, nagpupuyos sa galit, at maaring balang araw ay maging higit pang ganid, at malupit kesa sa mga nangaapi sa kasalukuyan?
Narito ang kabuuan ng aming panayam kasama ang mga Manobos:
Manobo, Obo.(n.d.). Ethnic Groups of the Philippines. Accessed November 25, 2016 http://www.ethnicgroupsphilippines.com/people/ethnic-groups-in-the-philippines/manobo-obo/