
Sino si Rizal?

Ipinanganak sa pangalang Jose Protacio Mercado y Alonso Realonda noong ika-19 ng Hunyo taong 1861, mas kinikilala ang pambansang bayani bilang Jose Rizal.
​
Tanyag ang bayani sa maraming larangan, kabilang na dito ang medisina, arte at literatura. Ugat ng kanyang kasanayan ang edukasyon na nakuha ng batang Rizal mula sa kanyang mga magulang noong kabataan niya, kung kailan tinuruan siyang magbasa noong siya’y 3 taong gulang, magmahal sa arte sa edad na 5, at magsulat – ang una niyang tula “Sa Aking mga Kabata” na tungkol sa pagmahal ng sariling wika ay isinulat ni Rizal noong siya’y 8 taon. Pagkatapos, kumuha siya ng kursong Bachelor of Arts sa Ateneo Municipal de Manila at ng Philosophy and Letters mula sa Unibersidad ng Santo Tomas. Nagtapos ng medisina si Rizal sa Unibersidad Centrale de Madrid na sinimulan niya sa Unibersidad ng Santo Tomas ngunit inihinto sapagkat nakita niya ang mga pang-aabuso at diskriminasyon ng mga Dominikanong guro sa kanyang mga kababayan.
​
Habang nasa Europa, pinalawak ni Rizal ang kanyang kaalaman. Kasama ang iba pang mga ilustrado tulad ni Marcelo H. Del Pilar at Graciano Lopez Jaena, ginamit ni Rizal ang kanyang mga natutuhan at husay sa pagsulat upang mag-ambag ng mga artikulo sa La Solidaridad, ang dyaryong pinapatakbo nila sa Espanya. Ang kanyang mga isinulat ay gumagalaw sa mga tema ng pang-aabuso ng mga Espanyol na prayle sa Pilipinas at mga karapatan ng kanyang mga kapwa Pilipino. Sa Europa din niya isinulat ang kanyang dalawang nobela na nag-udyok ng mga makabayang damdamin at tumanggap ng init mula sa mga awtoridad na Espanyol. Ang dalawang nobelang ito ay ang Noli Me Tangere (1887) at ang kasunod nito na El Filibusterismo (1891).
​
​
​
​
​
​
​
​
​
​
​
​
​
​
Iilang buwan matapos maiambag ang kanyang pangalawang nobela, napagdesisyunan ni Rizal na bumalik sa Pilipinas kahit na siya na ay naging kalaban ng Espanya. Itinatag niya ang La Liga Filipina noong Hulyo ng 1892 na ipinaglalaban ang mga pagbabago sa ikabubuti ng mga Pilipino gamit ang mapayapang pamamaraan. Ganoon pa man, tinagurian pa rin ng gobyernong Espanyol si Rizal bilang enemy of the state at ipinalayas patungong Dapitan.
​
Sa Dapitan itinuloy ni Rizal ang pagtulong sa kapwa Pilipino sa pamamagitan ng pagturo sa mga bata sa komunidad, pagpapagamot, at pag-ambag ng kanyang mga kaalaman sa agrikultura, pangingisda at pagnenegosyo.
​
Noong sumabog ang Himagsikang 1896 sa pangunguna ng KKK. Kahit na mapayapang namumuhay si Rizal sa Dapitan, isinisi ang pangyayaring ito sa kanyang mga nobela na diumano’y nagpakilala ng mga ideyang nasyonalista at naglalantad ng mga karahasan ng Espanya sa Pilipinas. Inaresto si Rizal at ipinapatay noong Disyembre 30, 1896.
